Mahilig talaga akong maglakad. Kaya siguro ang pangit ng pakiramdam ko noong nakaraang linggo kasi kulang ako sa lakad. Babawi ako ngayong linggo.
Pagdating sa paglalakad, may target ako: 10,000 steps per day. Sabi kasi sa pag-aaral at sa mga kakilala ko, ang paglalakad ng 10,000 hakbang kada araw ay isang epektibong paraan para bumaba ang timbang. Dahil panay ang lakad ko sa park at mall (kasama na ang pagkontrol sa kung paano ako kumakain), unti-unti nababawasan ang timbang ko at napapansin ng pamilya at mga kaibigan ko na pumapayat ako. Siyempre, natutuwa ako sa mga papuri nila, kaya gusto kong ipagpatuloy ang paglalakad at ang aking diet. (Balak ko rin mag-ehersisyo sa gym, pero ibang usapan ‘yun.)
Pero bago ko malaman ang pag-aaral na ‘yun, gusto ko talagang maglakad, kahit anong nararamdaman ko. Kapag maganda ang nararamdaman ko, napaparami ang lakad ko at tahimik akong nagpapasalamat sa mga biyaya na natanggap ko. Kapag pangit ang nararamdaman ko, napaparami ang lakad ko habang napapaisip ako sa mga bagay-bagay at parang pinaparusahan ko ang sarili ko hanggang sa mapagod ako. (May nakasanayan ako dati na hindi ako magpapaalam sa pamilya ko kapag malungkot ako at gusto kong maglakad, at nag-aalala sila para sa akin. Pero nabago ko na ‘yun.)
Ang problema ko lang ngayon sa paglalakad noong mga nakaraang araw: sumasakit ang ankle ko kapag sumobra ako. Siguro mali rin ang paraan ng paglakad ko, kaya sumasakit ‘yun. Dapat hindi ko masyadong iniisip ang 10,000 steps. Ayos lang kung hindi ko magawa ‘yun araw-araw. Tao lang ako. Kung gusto kong ituloy ang paglalakad ko, dapat dahan-dahan lang. Ayoko nang lumala ang sakit, lalo na’t maraming lakad na mangyayari sa darating na Osaka trip ng pamilya ko ngayong buwan. Gudlak sa akin!
Salamat kay Nhi Tran sa header image.