Paalala: may tema ng pagkakabalisa/anxiety.
Sa mga nakalipas na taon, marami na akong pinagdaanan at marami na rin ang nagbago sa akin. Pero ang hindi talaga nawala sa panloob ko: ang aking pagkakabalisa. Sa Ingles, anxiety. At minsan, dahil sa matinding pagkakabalisa, napapahamak ang ilang aspeto ng buhay ko.
Madali akong mabalisa kapag may napansin akong kahit isang maliit na pagbabago sa mga nakasanayan ko. Kapag lumagpas ng isang linggo ang huling pag-uusap ko sa isang kaibigan, nababalisa ako. Kapag nakatulog ako pagkatapos mag-ayos ng mesa ko, tapos nagising ako na may bagong papel na nakalagay lang doon sa mesa, nababalisa ako. Kapag nakabukas ang TV tapos may kausap din ang isang tao na naka-speakerphone, marami akong nararamdamang negatibo, at isa na doon ang pagkabalisa. Ang una’t pangalawang nabanggit ko, hindi siguro normal; ang huli, makatwiran naman kasi nakaka-overstimulate ang ganoong ingay. (Kung ayos lang sa ‘yo o mas nagiging productive ka sa ganoong ingay, mabuti naman.)
Siyempre, may mga bagay na hindi ko makontrol, lalo na ang mga aksyon ng ibang tao, kaya iniintindi ko na lang. Tinuruan rin ako ng doktor ko ng mga praktikal na paraan para kumalma kapag nababalisa ako nang matindi (tulad ng deep breathing exercises). Nagbigay din ng payo ang aking pamilya at mga kaibigan dahil pinagdadaanan din nila ‘yon. Malaki ang pasasalamat ko sa kanila dahil sa mga payo, sa kanilang pakikinig, at sa pagtupad sa aking mga pakiusap/kahilingan, at ako ang tipong hindi agad humihingi ng tulong. (Sa katunayan, mahiyain talaga ako.)
Sa kabilang banda, parang mas matindi na ang anxiety attack ko kamakailan lang. Hanggang ngayon, kahit nakakapagtrabaho at nakakapagsulat ako kahit papaano, hindi nawala ang gimbal sa katawan ko. Ginawa ko naman ang mga natutunan ko, pero parang hindi pa ako 100% magaling. Kailangan ko pa rin magpatuloy kahit nahihirapan ako, pero kinakabahan ako na baka bumigay rin ang buong katawan ko. Hindi na ba ako gagaling?
Hay. Grabe. Bakit ba sa lahat ng gusto kong ibago sa akin, hindi ko mabago itong nakakagagong pagkakabalisa ko?
Salamat kay Leandro Mazzuquini sa header image.