May nabasa ako sa Threads na hindi na normal ang napakadalas na pag-ulan noong nakaraang Agosto. (Hinahanap ko pa rin ang post sa ngayon.) Totoo. Hindi na talaga normal ‘yan. Halos araw-araw, halos hindi makita ang araw. Kaya sobrang salamat sa Diyos at natapos ang Agosto kahapon nang walang ulan sa lugar ko. Hindi ganun kaaraw, mamasa-masa, pero kahit papaano, may araw. Ngayong araw naman, kitang-kita at ramdam na ramdam ang liwanag ng araw.
Nabanggit ko nang ilang beses sa blog na ‘to na ayoko talaga ng mainit na panahon. Hindi pa rin nagbabago ‘yon. Sa katunayan, naligo na naman ako sa pawis pagkatapos magbayad ng bill sa labas. Pero may ilang bagay na hindi ko magagawa kapag umuulan kahit naglalagkit ako sa pawis, katulad ng pagtakbo o pag-brisk walk sa parke. (Yung nakakainis: kamakailan lamang, nag-install ako ng Strava sa phone ko para mas ganahan akong mag-brisk walk ulit at tumakbo nang mas madalas, pero wala… isa pa lang ang maayos kong exercise na naka-record sa app. Walang hiyang ulan na ‘yan.)
Hindi rin ako nakatulog nang maayos noong ika-31 ng Agosto kasi may mga pagdududa ako sa mga plano ngayong darating na kapaskuhan, pero pinakalma ko ang sarili ko at natulog din. Pagkagising ko, dating gawi. Laban pa rin. Kahit madilim ang paningin ko nang ilang oras, kinailangan kong umurong at magpahinga para makita ko ulit ang liwanag ng araw.
Nabanggit ko rin na nasira ang laptop ko kamakailan. Pero maraming salamat sa pamilya ko at nagkaroon ako ng bagong laptop para makapagtrabaho ulit at matuloy ko ang mga plano ko biglang blogger at content creator. Kasing liwanag ng araw ang pagtulong nila sa akin, at halos hindi ko mahanap ang mga salita para magpasalamat. Ang alam ko lang sa ngayon ay ito: mas gagalingan ko, lalo na’t mas mabilis at mas mahusay ang bago kong gadget. AMD Ryzen 7, 24 GB RAM ang specs? Ayos!
Paano ko tatapusin ang post na ‘to? Hmmm.
Ayun. Naalala ko bigla ang guesting ni Jericho Rosales sa The Morning Rush ng Monster RX 93.1, ang paborito kong radio show noong estudyante pa ako. Sa isang punto ng episode, napag-usapan nina Chico Garcia, Delamar Arias, at Gino Quillamor ang hobby ng bisita nila: archery. Nabanggit nila na mas magaling ang mga babae sa pagkuha ng bullseye sa archery at sumang-ayon si Jericho. Tapos biglang tinanong ni Chico: “How often do they practice? Arrow-arrow?”
Arrow-arrow. Araw-araw. Gets mo?
Oo na. Corny nga! Sa susunod na araw na nga lang! Kainis.
Header image courtesy of Rino Adamo.