Kahit mainit ang panahon sa tag-ulan at mainit pa rin ng konti ang ulo ko, nakakatulong talaga ang lamig sa akin. At sa totoo lang, mas gusto ko talaga ang lamig.
Noong mga nakaraang buwan, nakakagising ang cold brew habang kumakain ako ng almusal kasi kahit kumpleto o kulang ang tulog ko, ang pangit pa rin. Kailangan ko talaga ng pampagising ng diwa.
Mas napapadalas din ang pag-inom ko ng tubig na may maraming yelo kasi, katulad ng sinabi ko kanina, mainit ang panahon. Sa hapon na lang ako umiinom ng mainit; mahilig talaga ako sa mainit na honey citron ginger tea. Sarap.
Masarap ring maligo gamit ang malamig na tubig dahil sa init ng panahon. Grabe yung lagkit at pawis ko pag lumalabas ako ng bahay, kaya naliligo ako agad pag-uwi. Walang mintis.
Nakakabawas din ng init ang ulo kapag nakakapagsulat ako sa café (sa Satchmi o sa iba), nagbabasa ako ng libro, nakikinig sa mga kantang nakakapagpakalma, o nanonood ng serye o pelikula (lalo na yung hindi ko pa talaga napapanood). Noong Sabado, napanood ko na sa wakas ang The Shawshank Redemption. Ilang dekada lang naman ang pagiging huli ko. Pasensya na.
Nakakabawas din ang init ng ulo ko kapag kausap ko ang mga mahal ko sa buhay—pamilya, kaibigan, o siya. Nasanay talaga akong magkimkim; hindi ako masyadong nakakapagkuwento o nagsasabi ng nararamdaman ko sa iba, pero kapag nagagawa ko ’yon, nakakaginhawa na parang umiinom ako ng malamig na tubig.
At natuwa talaga ako sa Seoul trip naming magkapamilya noong nakaraang taon, at isa sa mga rason ay ang lamig ng panahon. Kahit bumagsak sa 0 degrees, ayos lang sa akin kasi malamig at nakakapag-layer ako. Sana matuloy ang plano kong pumunta sa malamig na lugar bago matapos ang taon.
Gustong-gusto ko talaga ang lamig.
Header image courtesy of Andre Moura.