Categories
Personal

Post 44: Ulan

Isang gabi, marami akong naramdaman, kasing dami ng patak ng ulan.

Isinulat noong Hunyo 1, 2026, Sabado.


Ang dami kong nararamdaman ngayon, kasing dami ng patak ng ulan.

Nakakainis na nagsimula na ang tag-ulan, sabay tumalbog yung buton ng payong ko pagkapindot ko. Madalas pa naman akong may dalang payong, tapos noong kailangan ko ng proteksyon sa ulan, tapos ganun? Tsk. Badtrip. Buti na lang may silong bago ako sumugod sa labas.

Nakakatuwa rin na nagsimula na ang tag-ulan kasi hindi na magiging mainit araw-araw. Bukod sa pagkain ng malamig na halo-halo at pagpunta sa mga beach (na bihira kong gawin), ayoko talaga ng tag-init. Mas gusto ko talagang mabasa at malamigan sa ulan kaysa mapawisan sa malaimpiyernong panahon. Hindi ko nga lang gustong magkasakit pag naulanan.

Nakakatakot din na nagsimula ang tag-ulan kasi kahit kaunting ulan lang, moderate to heavy agad ang traffic, madaling bahain ang ibang kalsada, at mahirap makauwi nang mabilis. At naalala ko pa rin ang Bagyong Ondoy noong 2009. Nakakatakot talaga. Isang buwang baha sa lugar namin. Isang buwan.

Nakakagalit din na nagsimula ang tag-ulan, tapos malaki ang tsansa na mababaha ang paligid, tapos walang maayos na flood control at kailangang maging resilient na naman. Ganun na lang ba ha, gobyerno? Puro resilience, walang long-term solution? Nakakagalit. Nakakapagod. Nakakalungkot.

At dahil nabanggit ko ang pagod at lungkot…

Nakakalungkot din na noong nagsimula na ang tag-ulan, katulad ng ulan, panay ang iyak ng puso. Hindi ko sasabihin kung bakit, pero ito lang ang masasabi ko: inaasahan ko na ito, pero hindi ko inaasahan na babagsak ako nang ganito. At ngayon, pagod na rin ako sa kakaiyak at kakaisip. Bakit ba kasi napakaramdamin ko?

Hay nako. Makapag-tsaa nga. Kailangan kong kumalma, at kalma ang hindi ko maramdaman ngayon.


Header image courtesy of Denniz Futalan.

Leave a comment