Categories
Personal

Post 29: Isang Dekada ng Suntukan sa ACE Hardware

Bakit natatawa pa rin ako sa isang lumang Internet meme hanggang ngayon.

Sampung taon na ang nakalipas noong ginawa ng isang Facebook shitpost page (titled “Bulbulito Balagbag: tuberong kulay green”) ang event na Suntukan sa ACE Hardware, pero hanggang ngayon, natatawa pa rin ako pag naalala ko ‘yon!

Favorite meme event ever.

Siguro isang milyon ang tawa ko kasi mahilig talaga ako sa absurd humor, at sa pangalan pa lang ng event, sobrang absurd na. Tapos lumaki lalo yung traction kasi maraming naki-ride sa peke pero nakakaaliw na event, kahit ilang beses nabura yung event page. Mga Pinoy talaga!

Nakakabaliw yung mga ginawang poll sa event page. “Sino ang dapat magsuntukan sa event (kahit fictional character)?” “Sino ang dapat kumanta ng national anthem (kahit hindi singer)?” Nakakatawa rin yung mga reactions ng tao sa event page, tapos nagkaroon rin ng mga mock events na inspired sa Suntukan. (Halimbawa, Group Study sa Sogo Hotel.)

Napunta na sa punto na nagtatanong na ang mga tao sa Facebook page mismo ng ACE Hardware. “Anong oras yung suntukan?” “Magkano yung ticket? Bibili ako ng dalawa.” “Sa Lucena branch lang ba yung event?” Wild. Hindi nagtagal, nagbigay ang kumpanya ng statement na na-appreciate nila yung pananabik ng mga tao dahil sa fake event, pero hindi rin nila hinikayat yung ganoong klaseng publicity.

Credit: ACE Hardware Philippines’ Facebook page.

Maraming nadismaya sa statement nila kasi nagkansela na raw sila ng kasal o binyag para lang makadalo sa Suntukan. (Obvious naman na nagbibiro lang sila.) Pero marami ring totoong nadismaya kasi dapat naki-ride na lang sila at agree ako. Sabi rin ni Leigh Reyes na dapat ginawang business opportunity ang nakuhang atensyon ng brand. Hindi rin tumagal at nag-anunsyo ng sale ang ACE Hardware sa SM City Lucena (ang branch na nabanggit sa event page), tapos sa mismong event, merong makeshift ring sa loob ng store.

From nakakatawa, naging nakakatuwa. At sa ilang linggo, nagkaisa ang buong bansa sa katuwaan.

Credit: Philippine Star and Delfin “Sonny” Mallari, Jr.

Pero ang mas nakakatuwa: ang epekto ng event sa akin mismo.

Noong nagsimula ang taong 2026, may nag-trend na meme: “2026 is the new 2016.” Pag tatanungin mo ako kung ano ang naalala ko sa taong ‘yon, mostly malungkot ang maisasagot ko. Pero nabilang ko rin yung mga magagandang alaala ko sa taong na ‘yon, at isa na doon ang pagkakatuklas ko sa event page. Naalala ko yung lunchtime na nagba-browse ako sa Facebook, tapos nakita ko yung napaka-random na event page: Suntukan sa ACE Hardware. Grabe, ang lala ng tawa ko! Literal na nag-ROFL ako sa opisina, tapos sumakit ang tiyan ko! I mean, bakit may ganoong event? At limitado lang ba sa suntukan? Kasi ang daming gamit sa store na puwedeng panghampas, eh! Sobrang nakakabaliw!

May mga nakakita rin sa akin nung tumatawa ako sa sahig, pero okay lang kasi medyo kailangan kong tumawa noon. Hindi maganda yung mga nakaraang linggo ko bago ang sandaling iyon, at sa totoo lang, pagkatapos kong tumawa, hindi naman naging okay agad ang lahat. Pero kahit papaano, may ginhawa akong nakuha sa kakatawa sa malamig na sahig, at sa lahat ng puwedeng magbigay ng ligaya sa akin, nakuha ko ‘yon sa katarantaduhan ng isang meme page. At dahil sobrang random pero katawa-tawa ang lahat ng nangyari na may kinalaman sa event, hanggang ngayon, ‘pag naalala ko ‘yon, hindi ko pa rin mapigilang humalakhak.

Kaya, salamat kay Bulbulito Balagbag, sa lahat ng nakisali sa kalokohan, at sa ACE Hardware mismo. Hindi pa rin ako makapaniwala, pero ang isang liwanag sa isang madilim na panahon para sa akin ay may pangalang “Suntukan sa ACE Hardware.”

At oo nga pala. Bulbulito Balagbag? Anong klaseng pangalan ‘yon?!

Leave a comment