Categories
Personal

Post 64: Baha

Madalas ang baha kapag tag-ulan sa Pilipinas, at sa totoo lang, nakakapagod na.

Kahapon, pagkagising ko sa umaga, hindi ganoon kalakas ang ulan. Inaasahan ko na baka umulan nang malakas nang ilang oras, pero inisip ko na bagong linis ang drainage sa lugar namin, kaya kampante ako na hindi babaha.

Pagkarating ng tanghali, mas tumitindi ang pag-ulan. Wala pang isang oras, abot-paa na ang lebel ng baha. Muntik nang pumasok ang baha sa bahay namin at bigla kong naalala ang mga nakaraang pagbaha, lalong-lalo na noong Typhoon Ondoy.

Nang napasigaw ako ng “Baha na sa labas!” at dinala na namin sa loob ng bahay ang mga sapatos, maraming tumatakbo sa isip ko: Putangina, ito na naman tayo? Baha na naman sa tag-ulan? Anong nangyari sa bagong linis na drainage? Nalinis ba talaga nang maigi ‘yon o hindi talaga marunong magtapon sa tamang lugar ang ibang tao? Nakakaburat at nakakapagod.

Nag-message ako sa magulang ko na bumabaha sa lugar namin habang nakatingin lang ako sa labas. Sabi ng mom ko, “Malapit na kami sa bahay.” Pagkatapos ng ilang minuto, nakarating na sila sa bahay, humina ang pag-ulan, at unti-unting humupa ang baha hanggang bandang alas tres. (Pero dahil praning ako pagdating sa baha, kinakabahan pa rin ako at hindi ko lang pinahalata sa iba.)

Sa totoo lang, hindi na ganoon kalala ang pagbaha noong may bagong administrasyon na hinalal sa siyudad ko. Pero dahil medyo mababa ang lugar namin, minsan abot-paa ang baha kapag grabe ang pag-ulan. Kulang pa ang paglilinis ng drainage. Kaya pa natin higitan ang flood control hindi lang sa siyudad ko kundi sa buong bansa. Hindi puwede na palagi na lang matatag kapag may baha.

At huwag din natin iasa ang lahat sa gobyerno; dapat marunong din tayong magtapon ng basura sa tamang lugar, hindi kahit saan. Kung panay tapon lang sa tabi at nababara ang drainage na nakakatulong sa flood control, wala rin.

Hay. Humupa ang baha dito sa lugar namin, pero nakakalungkot at nakakatakot isipin na baka may darating na mas malalang baha na hindi naman natin makokontrol… hanggang sa umayos ang sistema ng bansa at maging mas disiplinado ang lahat. Higit pa rito ang nararapat para sa bansa natin, at kailangan nating gawin ang lahat ng ating makakaya para mangyari ‘yon.


Header image courtesy of Wolfgang Hasselman.

Leave a comment