Kagabi, gusto kong bumalik sa Satchmi. Dahil mainit kahit sa gabi (summer na kasi), nagsuot ako ng puting T-shirt, grey na slacks, tapos ang paborito kong komportableng sneakers. (Mahilig ako sa boots, pero nagbago ang buhay ko nung nagkaroon ako ng Nike SB.)
Nung paalis na ako, biglang nagtanong ang tatay ko, “May sisilayan ka ba ngayon?”
Sabi ko, “Wala.”
Mukhang pabiro yung tanong niya, pero seryoso yung sagot ko. Wala talaga akong sinilayan. Gusto ko lang bumalik sa paborito kong cafe para makainom ng mainit na Earl Grey tea (kahit summer) at makapagsulat. Minsan kasi, mas nabibigyan ako ng inspirasyon para maging malikhain kapag nasa labas ako ng bahay, lalo na pag nasa lugar ako na tinatawag kong pangalawang tahanan.
Pero sa totoo lang, may gusto rin talaga akong silayan… kaso wala siya sa lugar na ‘to.